Itinuturo ba ng Romans 10:14-15 na kinakailangan natin ng isang ministro upang ipaliwanag ang Bibliya?

English

Itinuturo ng Iglesia Ni Cristo (INC) na sinasabi ng Romans 10:14 na kinakailangan natin ang pagpapahayag ng isang ordenadong ministro upang lubos na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Ito nga ba ang tamang pagkakaintidi ng Romans 10:14

Romans 10:14-15 (ADB) – 14 Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? 15 At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!

Kung ating susuriin ang talata, makikita natin na mali ang pagkakaunawa ng INC dito. Hindi nito sinasabi ang tungkol sa pangangailangan sa isang natatanging uri ng mensahero, kundi ang tungkol sa pangangailangan na ang salita ng Diyos ay maihatid sa anumang paraan.[1]

Ang sinasabi ng talata ay tungkol sa pagdinig, hindi sa pag-unawa.

Ang binabanggit sa Romans 10:14 ay tungkol sa pagdinig ng isang tao, hindi sa kaniyang pag-unawa. Sa makatuwid, talagang walang sinasabi sa talata patungkol sa ating kakayahang umintindi at umunawa nang walang gabay ng isang ministro. Ang ipinaliliwanag sa talata ay si Pablo ay nagnanais na ang mga tao ay makarinig ng salita. Napakaraming mga paraan upang ang mga tao ay makarinig ng salita na hindi sa pamamagitan ng isang ministro.

Kapag binabanggit ni Pablo ang tungkol sa pakikinig, ang sinasabi niya ay ang pagtanggap sa salita. Kung atin itong literal na uunawain na “pakikinig gamit ang ating mga tenga”, mangangahulugan itong ang mga bingi ay hindi maliligtas! Hindi makatatawag ang mga tao kay Hesus hangga’t hindi nila tinanggap ang salita ng Diyos mula sa anumang paraan; ito man ay sa pamamagitan ng isang ministro o di kaya sa direktang pagbabasa ng Bibliya.

Walang sinasabi ang talata tungkol sa mga ministro

Habang sinasabi ng talata ang gawain ng pangangaral (literal ay “pagpapahayag” sa salitang Griego), wala itong sinasabi tungkol sa kredensyal ng isang mangangaral. Hindi nito sinasabi na dapat ang isang mangangaral ay ordenado sa pamamagitan ng pagpatong ng kamay o sa anumang paraan. Ang pagiging “sugo” ay hindi nangangahulugan ng ganoong bagay. Ang sinasabi lamang sa talata ay anumang uri ng pagpapahayag ng mabuting balita mula sa anuman o sinuman, ito man ay mula sa mga salita ng isang ministro o mula mismo sa Bibliya na ipinahahayag ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga nailathala nitong pahina.

Dagdag pa rito, ang tanong ni Pablo na “Paano naman sila mangakikinig?” ay isang retorikal na katanungan. Ang sagot sa tanong na ito ay hindi sila makakapakinig. Kung ating bibigyang kahulugan na ang talata ay tungkol sa mga ordenadong ministro lamang, ay magiging walang kabuluhan ang katanungan ni Pablo. Maaring-maari pa rin namang makarinig ng salita ng Diyos, kahit walang ordenadong ministro: ang kailangan lamang gawin ay mayroong magbasa ng Bibliya sa kanila. Upang magkaroon ng kabuluhan ang katanungan ni Pablo, ang kaniya dapat pinatutungkulan ay ang pagpapahayag ng mabuting balita sa anumang uri ng paraan; anumang uri ng paghahatid ng mensahe. Ang paksa ay hindi kung mayroong ordenadong ministro. Ang paksa ay ang mga tao ay nangangailangan ng magdadala sa kanila ng mensahe.

Sinasabi rin sa talata ang mga paa, subalit hindi ibig sabihin nito na ang mensahero ay nararapat na isang tao. Ang mga paa ay isa lamang talinghaga ng paraan ng paghahatid. Ang metaporang “mga paa” ay napili sapagkat ang kadalasang mensahero ng mga mabuting balita ay ang mga tao. Lalong-lalo na noong panahon ng pagkakasulat ng talata, ang mga mensahero ay karaniwang naglalakad gamit ang kanilang mga paa dahil noon ay wala pa namang mga kotse o eroplano. Sinasabi rin sa talata na ang kanilang mga paa ay magaganda, subalit tayo ay hindi rin naman naniniwalang mas magaganda ang pisikal na anyo ng mga paa ng mga mensahero kung ikukumpara sa iba. Malinaw na ang ibig ipahiwatig ni Pablo dito ay, na napakamahalaga ang anumang kapamaraang ginagamit sa pagdadala ng salita ng Diyos.

Sinasabi sa atin na ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Kristo.

Sa mga susunod na talata, sinasabi sa atin kung paanong ang isa ay magkakaroon ng pananampalataya

Romans 10:16-17 (ADB) - 16 Datapuwa't hindi silang lahat ay nakinig ng masasayang balita. Sapagka't sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?” 17 Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Kristo.

Ang paniniwala o pananampalataya ay sa pamamagitan ng salita ni Kristo, hindi sa mga salita ng isang ordenadong ministro! Ang isang ordenadong ministro ay maaring naging isang kasangkapan sa pagdadala ng mabuting balita, subalit ang salita ni Kristo ang taging bagay na siyang makapagliligtas. Ang salitang ito ay ang mabuting balita ni Hesus: na tayo ay maaring magkamit ng kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniya.

Gaya ng makikita natin bago ang Romans 10:14,

Romans 10:13 (ADB) – 13 Sapagka't, “Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.”

O di kaya ay ang mas naunang nabanggit,

Romans 10:4 (ADB) - 4 Sapagka't si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawat sumasampalataya.

Konklusyon

Mali ang gamit ng INC sa Romans 10:14-15 para sabihin ang isang bagay na hindi naman sinasabi sa talata. Ang talata ay tungkol sa pangangailangan na maihatid ang salita ng Diyos sa mga taong hindi pa nakakarinig nito, hindi ang pangangailangan sa isang ordenadong ministro. Kapag ating sinasabing kailangan nating marinig ang mga salita ng isang ministro upang tayo ay maligtas, ipinapalit natin ito sa pangangailangan natin sa salita ni Kristo. Huwag nating ipagpalit si Kristo sa isang ministro, bagkus ay atin siyang dakilain dahil nararapat siyang dakilain.


[1] Mahalaga rin namang pansinin na sinasabi sa mga naunang talata sa kabanatang ito ng Romans ang ating tungkuling intindihin ang mabuting balita kapag atin na itong narinig, sa pamamagitan man o hindi ng isang mensahero.