Maaari bang ipagmalaki ang iglesia?
Marami sa mga kabilang sa samahang kilala sa tawag na “Iglesia ni Cristo” (INC) ang madalas na ipinagmamalaki ang kanilang simbahan o di kaya ay ang kanilang pagiging kabilang sa simbahan. Nguni’t maaari nga bang ipagmalaki ang simbahan? Itinuturo ba ng Bibliya kung ano ang nararapat nating ipagmalaki?
Itinuturo ni Pablo na ang Panginoon lamang ang dapat nating ipagmalaki.
Ang sulat ni Pablo para sa mga taga-Corinto ay isang sulat sa simbahang may mabigat na suliranin dahil sa mga taong nagmamalaki sa mga bagay na hindi naman nararapat na maging sentro ng kanilang buhay. Sa katunayan, sa kaniyang dalawang sulat para sa mga taga-Corinto, kaniyang sinasabi na sila ay nararapat na sa Panginoon lamang magmalaki.
1 Mga Taga-Corinto 1:31 (AB-TAG) - upang ayon sa nasusulat, “Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon.”
2 Mga Taga-Corinto 10:17 (AB-TAG) - “Ngunit siyang nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon.”
Pareho rin ang kaniyang sinabi para sa mga taga-Galacia
Galacia 4:11 (AB-TAG) – Subali’t huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Hesu-Kristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.
Bakit kaya kapag pinupuri ng mga kabilang sa INC ang kanilang simbahan ay madalang nilang binabanggit ang Diyos, subal’t ang kanilang simbahan lamang?
Sinaway ni Pablo silang mga nagmamalaki sa kanilang kaligtasan
Sa pagsusumikap na liwanagin ang anumang pagkalito tungkol sa ebanghelyo, malinaw na malinaw na sinabi ng Pablo sa mga taga-Efeso na hindi nila maaring ipagmalaki ang kanilang kaligtasan sapagkat iyo ay kaloob ng Diyos. Ipinaliliwanag ni Pablo na ang kaligtasan mismo ay hindi isang bagay na maaaring ipagmalaki ng tao.
Efeso 2:8-9 (AB-TAG) – 8 Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos; 9 hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.
Kapag ang mga kabilang sa INC ay nagmamalaki sa kanilang pagiging kabilang, sila ay nagmamalaki sa kung ano sa tingin nila ang sa kanila’y nagliligtas. Sila ay nagmamalaki sa gawa na ‘kanilang pagsali sa INC’. Ito ay talagang salungat sa itinuturo ng Efeso 2:8-9.
Lahat ng pagmamalaki ay nararapat na nakaugat sa biyaya ng Panginoon at sa gawa ni Kristo.
Madalas ang ating pagmamalaki ay nakatuon sa iba’t-ibang mga bagay, subali’t nararapat na lahat ng pagmamalaki ay nakaugat sa biyaya ng Diyos.
2 Mga Taga-Corinto 1:12 (AB-TAG) - Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan* at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.
Kapag ipinagmamalaki ng mga miyembro ng INC ang kanilang simbahan o di kaya ay ang kanilang pagiging kabilang, ay madalas nilang ginagawa ito na walang kaukulang pagbanggit sa biyaya ng Diyos, na sa pamamagitan nito ang sinumang tao o anumang samahan ay nagkakamit ng anumang bagay. Ito ay salungat sa itinuturo ng 2 Mga Taga-Corinto. Ito ay para bagang ang kanilang pananampalataya ay nakatuon, hindi sa ginawa ni Kristo, kundi sa pagkakasulat ng kanilang pangalan sa listahang gawa lamang ng tao.
Konklusyon
Ang madalas na gawain ng INC na pagmamalaki sa kanilang simbahan at sa kanilang pagiging kabilang sa INC ay nagpapakita ng kanilang lubos na hindi pagkakaunawa sa katotohanang tayo ay sa biyaya lamang ng Panginoon dapat na umasa, at hindi sa ating sariling kakayanan at sa ating gawa. Tayo na at magpakumbaba, at dinggin ang itinuturo ng Banal na Kasulatan at magmalaki kay Kristo lamang.
Mga Awit 34:2 (AB-TAG) - Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa; marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.