Itinuturo ba ng Ephesians 2:8-9 na tayo ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang?

English

Ang Ephesians 2:8-9 ang isa sa mga paboritong talata ng mga naniniwalang sa biyaya tayo ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at hindi sa pamamagitan ng ating mga gawa.

Ephesians 2:8-9 (ADB) - 8 Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos; 9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

Ang talatang ito ay tila malinaw na itinuturo na sa biyaya tayo ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Subalit, ang ilan, gaya ng Simbahang Romano Katoliko at ang Iglesia ni Cristo (INC) ay nag-aalinlangan sa katuruang ito. Ano nga ba ang talagang itinuturo ng talatang ito? Kapag ating susuriin ang talata, makikita natin na talagang sinsabi rito na sa biyaya tayo ay nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

Tayo ay nangaligtas sa pamamagitan ng biyaya.

Ang biyaya ay ang pabor ng Diyos sa atin na hindi natin karapatdapat tamuhin, ang susing salita dito ay ang “hindi karapatdapat tamuhin”. Sa ibang salita, kung tayo ay tunay na naliligtas sa pamamagitan ng biyaya, wala tayong maaring magaawa, kahit anupaman, upang tamuhin ang pabor ng Diyos. Ang salitang “biyaya” ay nangangahulugang walang kahit anong gawa ang kinakailangan upang tanggapin ang kaligtasan

Ito ay hindi sa pamamagitan ng ating sariling gawa.

Malinaw na sinasabi ng Ephesians 2:8 na ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng ating sariling gawa. Kung ito ay hindi sa pamamagitan ng ating sariling gawa, mangangahulugan ito na walang kahit anupamang bagay tayong magagawa upang makamit ang kaligtasang ito.

Ito ay kaloob.

Sinasabi rin naman ng Ephesians 2:8 na ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos. Kung ito ay tunay na kaloob ng Diyos, nangangahulugan ito na hindi natin ito pinagtrabahuhan. Kung ang isang bagay ay pinagtrabahuhan at pinaghirapan, ito ay hindi maituturing na kaloob, kundi isang pasahod o kabayaran para sa trabahong nagawa.

Romans 4:4-5 (ADB) - 4 Ngayon sa kaniya na gumagawa'y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. 5 Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.

Sumasangayon ang Romans 4:4-5 na kung ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan ng gawa, ito ay hindi na maituturing na kaloob. Kung kaya, hindi ang gawa ang nagsasabi kung sino ang aariing-ganap, ngunit ang pananampalataya.

Ito ay hindi sa pamamagitan ng mga gawa

Maliwanag na sinasabi ng Ephesians 2:9, na ang kaloob na kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng gawa. Ang pariralang ito ay sapat na upang maintindihan natin na ang kaligtasan ay hindi nasusumpungan sa pamamagitan ng ating mga gawa, sa halip, ito ay nakakamtan sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ipinapahayag ng INC na ang mga gawang sinasabi sa bersong ito ay hindi ang pangkalahatang gawa ng pag-ibig, sa halip ay ang mga batas Levitico, gaya ng hindi pagkain ng karneng baboy. Subali’t, ang ganitong interpretasyon ay hindi aakma sa natitirang bahagi ng talata na nagpapaliwanag na ang kaligtasan ay isang kaloob at hindi sa pamamagitan ng ating mga gawa. Bukod dito, makikita rin natin na sa natitirang bahagi ng talata at ang mga kasunod, na ang nasabing pagkakaintindi sa berso ay hindi maaari. Kung ang mga gawang ito ay talaga ngang ang pagsunod ng batas Levitico at hindi ang pangkalahatang gawa ng pag-ibig at ang pagsunod sa utos ng Diyos, bakit sinasabi sa susunod na berso na tayo ay nilalang o nilikha para sa mabubuting gawa?

Walang maaaring magmapuri sa kaligtasan

Sinasabi ng Ephesians 2:9 na hindi tayo maaaring magmapuri sa ating kaligtasan. Kung gayon, walang tayong maaaring gawin upang kitain ang kaligtasan, sapagkat ang gawang iyon ay maaaring magbigay sa atin ng kadahilanan upang tayo ay magmalaki.

Hindi rin maaari na tinutukoy ng salitang “gawa” ang batas Levitico lamang, dahil kung ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa anumang uri ng batas, maaari rin itong magbigay sa atin ng kadahilanan upang tayo ay magmayabang. Halimbawa, kung ang isang tao ay naligtas sa kadahilanang minahal niya ang kaniyang kapwa, maaari niyang buong pagmamataas na sabihin sa mga taong hindi nagmahal sa kanilang kapwa na siya ay may ginawa upang matamo ang kaligtasan, na hindi nila ginawa.

Tayo ay nilalang para sa mabuting mga gawa.

Sa kabila ng katotohanan na tayo ay naliligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga gawa ay may kinalulugaran pa rin sa buhay ng isang mananampalataya. Mababasa natin sa susunod na talata na:

Ephesians 2:10 (ADB) - Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Kristo Hesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Diyos nang una upang siya nating lakaran.

Hindi ang ating mga mabuting gawa ang sanhi ng ating kaligtasan, nguni’t ang ating kaligtasan ang sanhi ng ating mga mabubuting gawa. Kapag tayo ay naligtas, tayo ay mga bagong nilalang na (2 Corinthians 5:17). Sa nabanggit na pagiging bagong nilalang, tayo ay nilalang upang gumawa ng mabuti. Kaya, ang isang taong totoong ligtas ay gagawa ng mga mabubuting gawa, subali’t hindi ang mga mabubuting gawang iyon ang nakapagliligtas.

Konlusyon

Malinaw na itinuturo ng Ephesians 2:8-9 na tayo ay naliligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, hindi ng gawa. Kapag itinuturo ng INC na ang gawang nabanggit ay patungkol lamang sa pagsunod sa batas Levitico, kanilang binabalewala ang sinasabi ng talata tungkol sa mga gawa, pagmamapuri, at ang kalikasan ng ating kaligtasan.

Dagdag pa dito, makikita rin natin sa Ephesians 2:10 kung ano ang totoong ginagampanan ng mabuting gawa sa buhay ng isang Kristyano. Ang mga Kristyano ay mga bagong nilalang kay Kristo, at ito ay dahil binago na ni Kristo ang kanilang buhay kaya sila ay naglilingkod at sumusunod sa kaniya.

Patungo sa malalim na pagkakaunawa, may dalawang doktrina dito na mahalagang makita ang pagkakaiba. Ang una ay ang pag-aaring ganap o justification, and ikalawa ay ang pagpapagiging-banal o sanctification. Kapag ang ng Simbahang Katolika Romana at ang INC ay nagkakamali dahil sa hindi pagkakaintindi sa pagkakaiba ng dalawang doktrinang ito, nahuhulog sila sa kamalian ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawang mabuti. Basahin ang sanaysay na ito para sa karagdagang impormasyon.