Ano ang kinakailangan mong gawin upang makamit ang walang hanggang buhay?
Ano ang kinakailangan mong gawin upang maligtas? Ito ang mismong tinong ng isang mayamang binata kay Hesus.
Lucas 18:18 (ADB) - At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?”
Sa paanong paraan naiiba ang tugon ni Hesus kung ikukumpara sa tugon na ibinibigay ng mga taga Iglesia ni Cristo (INC)?
Walang mabuti, kundi isa, ang Diyos lamang.
Kamangha-manghang hindi sinimulan ni Hesus ang kaniyang tugon sa pamamagitan ng pagbibigay sa binata ng listahan ng mga bagay na nararapat at hindi nararapat niyang gawin. Sa halip, una munang tinukoy ni Hesus kung sino nga ba ang tunay na mabuti. [1]
Lucas 18:19 (ADB) - At sinabi sa kaniya ni Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang.”
Sa iyong pananaw, ikaw ba ay isang “mabuting tao”? Ito ay hindi nararapat, sapagkat sinabi ni Hesus na ang Diyos lamang ang tanging mabuti. Sa makatuwid, ang mga tao ay hindi mabuti sapagkat ang mga tao ay nagkakasala at sila ay hindi Diyos.
Ang mga makasalanang tao ay walang magagawa upang makamit ang walang hanggang buhay.
Ano ang maaring gawin ng mga makasalanang tao upang makamit ang walang hanggang buhay? Wala. Wala sa dami ng pagdalo sa simbahan, seremonyang pangrelihiyon, “mabuting” gawa, o di kaya ay penitensya ang makapagpapatuwid sa isang makasalanang nilalang.
Halimbawa, ang isang rapist, mamamatay tao, magnanakaw, o kaya ay sinungaling. Ang tao bang ito ay maaring mapawalang-sala sa pamamagitan ng pagpunta sa simbahan o kaya ay paggawa ng mga seremonyang pangrelihiyon? Nararapat bang ang kaniyang mga parusa ay alisin dahil lamang siya ay nagsisisi sa kaniyang mga nagawa? Maari bang palayain ng isang patas na hukom ang may-sala sa kadahilanang siya ay nangangakong hindi na uulitin ang mga kasalanang kaniyang nagawa?
Walang pag-aalinlangang ang sagot dito ay hindi! Sinumang makatuwirang hukom ay nararapat na hatulan ang taong ito na makasalanan na hindi alintana ang anumang “kabutihang” kaniyang nagawa.
Dapat mong aminin na ikaw ay isang kaawa-awa at makasalanang nilalang.
Lukas 18:20 (ADB) – “Talastas mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina.’” 21 At sinabi niya, “Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
Inakala ng binata na nagampanan niya ang lahat ng kautusan ng Diyos, subalit papaano nga ba ipinaliwanag ni Hesus ang pangangalunya? Sinabi ni Hesus na, “na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28). At papaano naman ang pagpatay? Sinabi muli ni Hesus na, “ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impyerno ng apoy.” (Mateo 5:22)
Ang katotohanan ay lahat tayo ay nagkapagsinungaling, nangalunya, nakapatay, at nakapagnakaw na. Tayo ay makasalanan. Ikaw ay makasalanan. At kung ikaw ay hindi pa rin kumbinsido, hinahamon kita na sundin ang pinakadakilang utos – at yun ay ang ibigin ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa, isip, at lakas – gaya ng hamon ni Hesus sa batang pinuno na kaniyang dapat gawin.
Lukas 18:22-23 (ADB) - 22 At nang marinig ito ni Hesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. 23 Datapuwa't nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y namanglaw na lubha; sapagka't siya'y totoong mayaman.
Nararapat mong hilingin sa Diyos na bigyan ka Niya ng walang hanggang buhay, isang kaloob na walang bayad
Sa kadahilanang wala ikaw kayang gawin upang makamit ang kaligtasan, nararapat mong hilingin sa Diyos na ikaw ay kaniyang patawarin sa iyong mga kasalanan, kahit ikaw ay hindi karapat-dapat para dito. Nararapat na ikaw ay sumamo gaya ng ginawa ng maniningil ng buwis,
Lukas 18:13b (ADB) – “Diyos [ko], ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan!”
At kapag iyo itong ginawa – mabuting balita – ipinapangako ng Diyos na bibigyan ka niya ng walang hanggang buhay, hindi dahil sa iyong mga ginawa, nguni’t dahil sa ginawa ni Kristo para sa iyo!
Mga Taga-Roma 5:8 (ADB) - Datapuwa't ipinagtatagubilin [ipinapakita] ng Diyos ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay dahil sa atin.
Ang mabuting balitang ito ay salungat sa aral na itinuturo ng INC, na nagsasabing ang ilan sa mga dahilan kung bakit tayo ay ibinibilang na matuwid ay ating mabubuting gawa. Sa halip na paniwalaan ang mabuting balita ng pagtanggap ng kahabagan sa pamamagitan ng pagiging kabilang sa simbahan at ng mga mabuting gawa, ang mga miyembro ng INC ay nararapat na pumihit patungo sa mabuting balita ng kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at sa ginawa niya sa krus.
[1] Pansinin na sa talatang ito, hindi itinanggi ni Kristo na siya ay Diyos, bagkus ay kaniyang inamin na siya ay Diyos.