Itinuturo ba ng Mga Taga-Roma 16:25 na ang Bibliya ay nababalot ng hiwaga?
Ang samahan na kilala bilang “Iglesia ni Cristo” (INC) ay nagtuturo na ang Bibliya raw ay nababalot ng hiwaga. Sa ibang salita, itinuturo nila na ang banal na kasulatan ay napakahirap maunawaan kung wala ang pag-gabay ng isang ministrong magpapaliwanag at maghahayag ng bagay na nababalot ng hiwaga. Madalas nilang binabanggit ang Mga Taga-Roma 16:25 upang suportahan ang pahayag nilang ito. Subali’t, totoo nga ba na ang Mga Taga-Roma 16:25 ay nagtuturo na ang Bibliya ay nababalot ng hiwaga?
Mga Taga-Roma 16:25 (AB-TAG) - At ngayon, sa kaniya na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Hesu-Kristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon
Kapag ating susuriin ang talata at ang konteksto nito, ating makikita na ang Bibliya ay hindi naman lubhang mahirap maintindihan ng mga tao, at hindi rin itinuturo ng talata na kinakailangan pa natin ng isang ministro upang maipaliwanag ang mga nilalaman ng Bibliya.
Ang ebanghelyo at ang Bibliya ay hindi iisang bagay lamang.
Sinasabi ni Pablo na ang ebanghelyo ay siyang mahiwaga. Subali’t, ang ebanghelyo, o “mabuting balita”at ang kabuuan ng Bibliya ay hindi iisang bagay lamang. Halimbawa, ang Bibliya ay naglalaman ng maraming mga masasamang balita; gaya ng, tayo ay mga makasalanan at karapat-dapat ng kamatayan (Mga Taga-Roma 3:23). Ang mabuting balita ay tayo ay maaring maligtas sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Ang hiwagang binabanggit ni Pablo ay ang tungkol sa krus at ang plano ng Diyos na tubusin ang ating mga kasalanan, hindi ito patungkol sa buong Bibliya.
Ang hiwaga ay inilihim at ngayon ay ipinahayag.
Sinasabi ng talata na ang hiwaga ay inilihim. Hindi nito sinasabi na ang hiwaga ay patuloy na inililihim. Dahil sinabi ni Pablo na ito ay inilihim (ang salitang-kilos ay tapos na), kaniyang gustong ipaunawa sa atin na ang hiwaga ay hindi na patuloy na inililihim.
Sinasabi rin naman ng talata ang “pahayag ng hiwaga”. Nangangahulugan ito na ang hiwaga ay naipahayag na. Siyang mahiwaga noon ay hindi na nananatiling mahiwaga ngayon, sapagkat ginawa na ng Diyos na maliwanag ito sa atin. Sa makatuwid, ang ebanghelyo ay dating mahiwaga dahil hindi natin nalalaman noon kung sa ano at papaanong paraan gaganapin ang kaligtasan. Ngayon, ating nang nalalaman na ang kaligtasan ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo sa krus. Ang hiwaga ng kung papaano ba ililigtas ng Diyos ang kaniyang bayan ay nahayag na.
Ang susunod na talata ay nagsasabi sa atin na ang hiwaga ay naipahayag na.
Hindi madalas binabanggit ng INC ang sumusunod na mga salita sa talata. Ipinapakita ng mga sumusunod na salita na ang talata ay nagsasabing ang ebanghelyo ay maliwanag na at hindi na mahiwaga.
Mga Taga-Roma 16:26 (AB-TAG) - subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan
Ang misteryo ay nahayag na! Ito ay hindi na nananatiling isang misteryo. Nalalaman natin ang patungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng krus ni Kristo. Purihin ang Diyos!
Konklusyon
Ang INC ay lubhang nagkakamali sa paggamit ng Mga Taga-Roma 16:25 kapag kanilang sinasabi na ang Bibliya ay hindi kayang maunawaan kung wala ang paggabay ng isang ministro. Maliwanag na ang sinasabi sa talatang ito ay tungkol sa ebanghelyo, at hindi patungkol sa buong Biblia. Maliwanag din na itinuturo ng talata na ang mabuting balita ay nahayag para maintindihan ng lahat, at ito ay ating maaring maintindihan.
Halina’t tayo’y manabik para sa mga salita ng Diyos na maari nating maunawaan kung tayo ay manginginain ng mga ito:
Mateo 4:4 (AB-TAG) - Ngunit siya ay sumagot, “Nasusulat, ‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.’ ”